Mga Pang-Simbahan ulit

48. Kalabrero /kalabre’ro/ – zucchetto

Ang zucchetto ay isang klase ng pamatong sa ulo sa Simbahang Katolika. Ang lahat ng mga naordinahan ay maaaring magsuot nito, pero madalas siyang makita sa mga obispo pataas.

Nagmula ang pangalang zucchetto sa Wikang Italyano, kung saan ang ibig sabihin nito ay  “small gourd”. Ang pinakamalapit na salin dito ay maliit na kalabasa. Pinagsama ang kalabasa at ang salitang sumbrero upang mabuo ang kalabrero.

49. Adalambanal  /adalamba’nal/ – Hagiology

Dagdag lang ito sa mga nagawa nang salin ng mga “logy”. Ang adalan ay aming salin ng “logy”.

Ang salitang hagios kung saan nakuha ang salitang hagiology (pag-aaral ng mga santo) ay nangangahulugang “banal”. Kaya’t ang salitang banal ang ginamit at ipinagpisat sa “adalan” na ginawang “adalam” upang mas dumulas sa dila. Ang salita na mabubuo ay adalambanal o pag-aaral ng mga santo.

50. Patwanan /Pat’wanan/ – corporal

Ang corporal ay ang telang ginagamit na patungan ng kalis at salwanan (ciborium) tuwing Misa. Ang corporal ay nangangahulugang “katawan” sa Wikang Latin, kaya katawan ang gagamiting salitang panalin. Ipinagpisat ito sa salitang patong, upang maisama ang tungkulin ng corporal, at dinagdagan ng hulaping “an”. Mabubuo ang salitang patwanan.

51. Dathanan /Dathanan/ – Chasuble

Ang salitang chasuble ay nagmula sa Latin na casula na nangangahulugang “maliit na bahay” dahil ito ang damit na ipinapatong sa lahat ng iba pang damit ng pari tuwing misa (kaso nga lang, hindi ‘yon gaanong sinusunod dito, pero ibang usapan na ‘yon).

Dahil dito, ginamit ang salitang “damit” at ang salitang “tahanan” at ipinagsama upang mabuo ang salitang “dathanan”.

52. Tagit /tagit/ – Amice

Ang amice ay ang telang ginagamit ng mga pari upang maging kwelyo niya at upang maitago ang kwelyo ng kanyang sutana o kaya naman ang ordinaryong damit. Dahil dito, ginamit ang salitang “tago” at ang salitang “damit” at ipinagpisat sa isa’t-isa upang mabuo ang salitang “tagit” o amice.

53. Lisay/ lisay/ – Alb

Ang alb ang puting damit na isinusuot ng pari sa ilalim ng dathanan tuwing misa. Nanggaling ito sa salitang Latin na alba, na ang ibig sabihin ay “puti”.

Dahil sa ‘di magagamit ang salitang “puti” bilang salin, ginamit na lang ang salitang “dalisay”, dahil ang damit na ito ay nagpapakita ng kalinisan o kadalisayan ng pari.

Kukunin lang ang huling pantig ng dalisay, na “lisay” upang ‘di mawala ang hiwaga at ‘di ganoon kadaling mahinuha ang ibig sabihin ng salita.

– salinpusa 7

Advertisements
Published in: on Pebrero 7, 2010 at 10:55 hapon  Comments (1)  
Tags: , ,

Salin: Pang-Simbahang Katolika

6. lantawan/ lanta’wan/ – monstrance

Ang monstrance o ostensorium ay ginagamit sa liturhiya ng Simbahan tuwing itatanghal ang Banal na Sakramento sa mga tao. Nanggaling ang salitang Ingles mula sa Latin na monstrare o ostendere, na ibig sabihin ay “ipakita”.

Dahil ang tawag sa pagtatanghal ng Katawan ni Kristo ay Exposition, mas tamang gamitin sa salin ang salitang “lantad” kaysa sa “tanghal” o “pakita”. Dahil rin ang madalas na hitsura ng monstrance ay parang araw (ang sisidlan ng Banal na Sakramento) na may sinag, ginamit na rin ang salitang “araw”.

Ipinagpisat ang mga salitang “araw” at “lantad” at dinagdagan ng hulaping “an” upang mabuo ang salitang “lantawan”.

7. sagrador/ sag ‘rador/ – sacristy

Mahihinuha sa salitang sacristy ang salitang sacred o sacra sa Latin na ibig sabihin ay banal. Upang mapanatili ang tunog nito na nagmula sa Latin (sacrastia o lugar-bihisan), ginamit ang salitang “sagrado”. Ipinagpisat ito sa salitang “tokador” na siyang lalagyanan ng mga damit at mga alahas sa mga bahay. Mabubuo ang salitang “sagrador”, na siyang silid-lalagyanan ng mga gamit at damit pang-Misa.

8. panapit/ panapit/ – cincture

Ang cincture ay panali sa sutana o alba ng mga naglilingkod sa Simbahan, na siyang kumakatawan sa kanilang kalinisan. Ito rin ay nagsisilbing sinturon ng mga tagapaglingkod upang sumikip sa baywang ang kanilang suot na sutana o alba.

Sinturon o panali lamang ang salin sa salitang ito sa Aklat ng Pagmimisa sa Roma (Roman Missal). Dahil nagsisilbi itong sinturon upang maging hapit ang kasuotan ng mga naglilingkod sa Simbahan, ginamit ang salitang “hapit” na linagyan ng “pang” sa umpisa. Upang mas dumulas sa dila ang salita, ito ay ginawang “panapit”.

9. salwanan/ salwa ‘nan/ – ciborium

Ang ciborium ay sisidlang pinaglalagyan ng mga nabasbasang ostiya upang maitago sa tabernakulo o maipamahagi sa mga nagsisimba.

May mga ilang salitang pinaniniwalaang pinanggalingan ng salita sa Inggles, ngunit ang gagamitin ay ang salitang Lating “cibus”  na ibig sabihin ay pagkain, dahil ito ang salita na pinakamalapit sa kasalukuyang gamit sa ciborium.

Ang salitang “salo”, na tumutukoy sa paggamit ng ciborium upang makinabang ang mga nagsisimba, at “katawan”, na tumutukoy sa Banal na Sakramento, ay ipinagpisat, at dinagdagan ng hulaping “an” upang mabuo ang salitang “salwanan”.

10. tasong/ ta ‘song/ – surplice

Ang surplice ay suot ng mga nagsisimbang ministro o pari sa ibabaw ng kanilang sutana at damit. Nanggaling ito sa Latin; “super” na ibig sabihin ay “taas” at “pellis” na ibig sabihin ay “balat ng hayop”, dahil unang ginamit ang surplice bilang pamalit sa alba (puting damit ng mga ministro’t pari) kapag nagsusuot ng makakapal na damit na gawa sa balat.

Ginamit ang salitang “patong” dahil ipinapampatong ang surplice sa sutana at damit ng minstro. Ginamit naman ang salitang “damit” upang itambal sa salitang “patong”. Isinama rin ang salitang “tabas” upang maisama pa ang isang sinaunang tawag sa surplice na “cotta”, dahil ang surplice ay pinutol na alba.

Ipinagpisat ang tatlo upang mabuo ang salitang “tasong”.

-salinpusa7

Published in: on Enero 13, 2010 at 10:35 hapon  Mag-iwan ng Puna  
Tags: , , ,