Mungkahi ng mga Katoto (peers)

Hindi naman lahat kukunin dito, kasi may mga pauso lang, o nang-aasar, pero nilagay ko na rin lahat, at baka may makaisip pa sa inyo, mga ka-s.p.

mungkahi

-salinpusa1

Published in: on Enero 11, 2010 at 10:23 hapon  Mag-iwan ng Puna  
Tags:

Mga Unang Hakbang

Sumusunod ay ilang mga salitang nasalin na namin bago pa man ilunsad ang kilusang ito, madalas mula sa tawag ng pangangailangan.

1. Tagta /tag ‘taˀ/ – blog (mula sa tagtang kebongkalbu.multiply.com)

PAMUHATAN:
Ang “blog” ay ibinansot na “weblog” na mula sa pinagpisang “[world wide] web” (internet) at “log” (to keep record).

Kung kaya sa parehong diwa, kapag ipinagpisa natin ang

“TAGNΔ (to weave, kaungay ng pagbuo ng isang sapot na siyang Filipino ng “web”, dahil hinango rin ang “web” sa pagkakabuhul-buhol ng mga linya.)

at

“TAL” (to record, to log), mayroon tayong

“TAGT” para sabihing “blog”!

2. Pangungumitha /pa ‘ngungumitha^/ – plagiarism

Ang Latin na plagiarius ay maaaring isang magnanakaw o isang kidnaper. Ang pamamamalahiyo (mula sa Esp. plajio) ay laging kaugnay ng pagnanakaw ng isang katha. Kung kaya’t mula sa pagsasala ng mga salita para sa “nakaw,” napili namin ang salitang “umit.” Ipinagpisa ito sa “katha” upang mabuo ang salitang ugat na “umitha,” para sa pandiwang anyo ng plahiyo.

3. Daglat /dag ‘lat/ – redox (reduction-oxidation) reaction

Mula sa pinagpisang “dagulan” ng Kapampangan para sa oxidation, at “latian” para sa reduction. Napili ang “daglat” imbes na “latdag” dahil lang mas natural (s) ito sa dila.

Kung sisilipin ang UP Diksyonaryong Filipino, may nauna nang lahok para sa daglat, na siyang Filipino ng “abbreviation.”  Subalit hindi naman magkakaroon ng malalang suliranin dito dahil malayo namang konteksto ang kapnayan (chemistry) at balarila. Marami rin namang nagkakapatungang pagpapakahulugan sa Inggles at marami pang ibang wika, kaya mapapatawad ito.

4. Sanggapay /’sangga ‘pay/ – trapezoid

Hindi malinaw sa hitsura ng trapezoid ang pinagbuhatan nito, at mas lalo na ang kahulugan nito, na siyang “isang quadrilateral (s) na may iisang pares ng magkaagapay (parallel) na guhit.”

Kaya ito ay ang pinagpisang “isang” at “agapay.” Mas makatutulong ang ganitong anyo sa mga mag-aaral ng sipnayan (matematika) at sukgisan (geometry) kaysa sa malabong “trapezoid”  dahil nakapaloob na sa mga pantig ang kahulugan. Isa pa, ang “trapezoid” ay may pamuhatang (etymologymalayo sa karanasang Filipino, kung kaya’t mahirap ding pakiugnayan kung sakali.

5. Talaluklukan /’talaluk ‘lukan/ – constellation

Lumitaw ang likhang-saling ito sa pangangailangang magsalin ng isang tula, at kung ginamit ang inampong konstelasyon ay makasisira sa katalnan ng pamimilipino sa salin.

Medyo hindi nakatulong na ang “constellation” ay galing sa “con-” (pagsama-sama o pagbubuklod) at “stella” (bituin) at “-tion,” dahil wala pang panlapi ang Filipino na tutumbas sa kahulugan at gamit ng “con-.”

Kaya dito, sinilip naman ng mananalin ang talinghagang ginagamit ng wikang kaiba sa pinagkukuhanan ng Inggles at Espanyol. Tumingin ang mananalin sa talasalitaan ng Hapon, at ayon sa mga karakter na ginamit, ang “constellation” sa kanila ay “bituin” + “upuan.” Sinala ang mga kapatid ng bituin at upuan na maaaring ipagpisa nang madulas sa dila at may pinapanatiling matulaing talinghaga (para nga sa maganda at taal na saling Filipino), at napili ang “tala” pati “luklukan.”

ito ang sinaling mga linya (sa tula ng G. Christian Ylagan):

if only my voice would carry
across oceans of desire,
and no more will I count
the constellations on your cheeks
in the spaces between breaths,

na naging:

Kung magagawa lang ng aking tinig
na pumailanlang sa karagatan ng pagsinta,
at ni minsan pa’y aking kailangang bilangin
ang mga talaluklukan sa iyong pisngi,

-salinpusa1

Published in: on Enero 9, 2010 at 8:13 hapon  Comments (3)  

Naunahan na pala kami!

Naunahan, pero hindi bale, dahil kahit papaano nama’y nakapagpapalubag-loob na hindi kami ang unang nagkaroon ng pakialam sa usapin ng wika ng pagtuturo. Subalit ang mas malala naman, ay naisalin ang mga salitang ito noong mga ka-’60, at sa kasamaang palad, ay hindi pa rin naipagkakalat sa loob ng humigit-kumulang 40 taon at umabot na sa panahon at salinlahi namin ang suliranin.

Isang talaan ng mga puristang salitang Tagalog

Sa ibabaw ay isang talaan ng mga salitang nilikha noong mga ka-’60 para sa sari-saring larangan. Bagaman hindi sila gamitin at hindi pa katanggap-tanggap sa mga dalubwika ngayon (hindi matatagpuan ang mga ito sa UP Diksyonaryong Filipino), magandang halimbawa ang mga ito, dahil kapansin-pansin sa maraming lahok ang mga pinagsangahang salita (hal. awanggan – infinity: awan, Ilokano ng “wala” + hanggan). O kung hindi man, maski papaano’y may talinghagang pinag-isipang mabuti ang pinanggalingan ng salita (hal. tingirin – infinitesimal; tingi, kapiranggot + -rin). Huli, gusto ko lang sabihin para sa ikahihinahon ng mga hindi Tagalog, na hindi kinalimutan ang mga wika ninyo sa talaang ito (halimbawa na nga, ay ang awanggan para sa mga Ilokano), at susubukin din namin sa abot ng makakaya na magsama ng mga lahok at/o kabutil ng mga salita (basic lexical units) mula sa inyong mga wika.

-salinpusa1

Published in: on Enero 9, 2010 at 6:49 hapon  Mag-iwan ng Puna  

Dibayded

Basahin niyo nga’t tingnan niyo kung hindi mag-iinit ang inyong tainga rito.

Pi

Ang Piπ ay isang konstanteng matematikal at isang transendental (irasyonal) na tunay na bilang o numero, katumbas ng 3.141592653. Ito ang ratio (rasyon o kapatas) sirkumperensya ng isang bilog patungo sa kaniyang diyametro.[1][2] Kilala rin ito bilang konstante ni Archimedes at ginagamit sa matematika at heometriya.

Pormula

Sa plane geometry na Euclideano, ang π ay ang ratio ng sirkumperensya ng isang bilog patungo sa kaniyang diyametro:

π = C i-dibayd sa D (C-Circumference) (D-Diameter)

Halaga

π = 3.14159 26535 89793 23846 26433 83279 50288 41971 69399 37510 …

  • Mas maraming didyit ito kaysa sa ipinakita sa itaas; umaabot sa bilyong didyit.
  • Isang numerong irasyonal ang constant na π; dahil hindi siya puwedeng maging ratio ng dalawang integer (intedyer o integro)
  • O, kumusta?
    Hindi ka ba nandiri sa “i-dibayd?” E sa “intedyer,” “didyit?” Hindi ba tila pakiramdam mo, nakikinig ka sa Filipino, pero binudburan lang ng mga matatalino-kunong termino? Kumbaga Filipino ang pinakabalarila, pero kapag sumapit sa isang salita o dalumat (mas kilala bilang “konsepto”) na hindi pa nasasalin nang maayos, ay biglang tatalon sa isang salitang binaybay-Tagalog at hiniram lang mulang Ingles o Kastila?
    ‘Yan ang suliranin. ‘Yan ang gagamutin.
    -salinpusa1
    Published in: on Enero 6, 2010 at 2:00 hapon  Mag-iwan ng Puna  

    Kami ang S(t)alinPusa.

    Naunahan lang kasi kami sa username na “salinpusa” at “salingpusa.” E “Stalin” na ‘ata pinakamalapit. 😛

    ***

    ‘Di man kami mga dalubhasa sa wika, tila mga kung-sinong saling-pusa baga, pangangahasan naming magsalin at lumikha ng mga taal na Filipinong salita, mga salitang malapit sa puso, masarap sa dila, sa yaring panahong mas madali na lang atang mag-ampon mulang Inggles at Kastila.

    Narito na ang pusang lalamon sa malalansang isda.

    ***

    (‘Wag kayong mag-alala; sigurado kasama sa listahan namin ang “username.“)

    Published in: on Enero 6, 2010 at 1:44 hapon  Comments (1)