Latak at Tira-tira

Kaalaliman / Ka’alaliman – Erudition

Ang Erudition ay nangangahulugang “profound knowledge”. Kaya ang ginamit kong salin sa salitang ito ay ang pinagpisang Kalaman at Lalim.

Pahay / Pa’hay – Image

Ayon sa talatinigan, ang salitang “Image” ay nangangahulugnang “flat representation of life”. Dahil dito naisip kong ipagpisa ang mga salitang Patag na nangangahulugang “Flat” at ang salitang Buhay na nangangahulugang “Life”.

Pahayawan / Pa’hayawan – Animation

Ang salitang ito ay hinalaw mula sa salitang Pahay na nangangahulugang “Image” at sa galaw na nangangahulugang “Move o Movement”. Ang animation kasi ay isang pamamaraan na nagpapagalaw sa mga pahay.

Advertisements
Published in: on Pebrero 28, 2010 at 11:58 umaga  Mag-iwan ng Puna  

Para sa Kapnayan at Sukgisan

54. Sangkatas /sang ‘katas/ – Substance

Nagmula ang salitang substance mula sa substantia na nangunguhulugang being essence, material. Mula sa depinisyong ito nakuha ang “sangkap” at “katas” na pinagsama upang mabuo ang “sangkatas”.

55. Likhatas /lik ‘hatas/ – Matter

Nagmula ang matter sa materia na ang ibig sabihin ay substance from which something is made. Ngayon, ginamit ang “likha”, isa sa mga salin ng salitang create, na kasingkahuluhan ng made, sa wikang Filipino, at “sangkatas” upang mabuo ang “likhatas”.

56. Buhin /bu ‘hin/ – Particle

Ang particle ay nagmula sa particula na ang ibig sabihin ay little bit or part. Upang mahuli ang kahulugang ito, ginamit ang “buhu”, Kapampangang salin ng whole, at “bahin”, Cebuano para sa bahagi, upang mabuo ang “buhin”. May kalapitan din ito sa “butil”, ang salin ng grain, na nakatutulong din sa paghahatid ng kahulugan nito sa mga mambabasa.

57. Sukdiit /suk ‘diit/ – Atom

Dahil sadyang napakiliit ng mga atom, ginamit ang “sukdulan” at “liit” upang buuin ang “sukdiit”.

58. Tipliit /tip ‘liit/ – Molecule

Nangunguhulugang minute particle ang molecule. Dahil sa matinding pagkakapareho ng depinisyong ito sa depinisyon ng isang atom, halos parehong proseso rin ang ginamit upang isalin ang molecule sa Filipino. Sa halip na gamitin ang “sukdulan”, ginamit ang “tipik” ng mga Cebuano, na ang ibig sabihin ay “bahagi”.

59. Siktag /sik ‘tag/ – Solid

Ang mga solid ay kilala sa pagiging matatag at siksik nila. Gamit ang pag-iisip na ito, pinagsama ang “sisik” at “tatag” upang mabuo ang “siktag”.

60. Lusagos /lu ‘sagos/ – Liquid

Nabuo ang “lusagos” sa pamamagitan nang pagdidikit ng “lusaw” at “agos”, dalawang bagay o katangian na kaakibat ng mga likido.

61. Sandaloy /san ‘daloy/ – Fluid

Katangian ng mga fluid ang pagdaloy nang tuluy-tuloy. Gamit ang pag-iisip na ito, nabuo ang “sandaloy” sa pamamagitan ng “isa” at “daloy”.

62. Sigwat /sig ‘wat/ – Gas

Ang gas ay isang estado ng likhatas na binubuo ng mga magkakalayong mga buhin; masasabing puno ng mga siwang o agwat ang mga gas. Mula rito nabuo ang sigwat, mula sa “singaw” at “agwat”. Noong una’y singawat ang napiling salin, ngunit ito’y pinaikli pa upang mapantayan ang kaikliin ng “gas”.

63. Awanyo /awan ‘yo/ – Plasma

Ang plasma ay likas na walang mahahawakan o mapapansing itsura, porma at hugis. Gamit ang “awan”, ang Ilokanong salita para sa “wala”, at “anyo”, nabuo ang “awanyo”.

64. Langkaran /lang ‘karan/ – Element

Nanggaling ang element mula sa elementem na ang ibig sabihin ay rudiment, first principle, matter in its most basic form. Dahil sadyang mahaba ang kahulugan nito, mahahalata naman na hindi kakayaning ipasok ang lahat ng ito sa loob lamang ng tatlo hanggang apat na pantig. Mas nararapat na mamili na lang ng isa o dalawang salitang kayang ilarawan ang isang element nang walang sablay. Nabuo ang “langkaran” mula sa pagdurugtong ng “lalang”, ang salitang Cebuano para sa likha, at “sukaran”, ang Cebuanong salin ng basic. Sa pagkakataong ito, ginamit ang “lalang” dahil ito’y sapat ng pamalit sa lugar ng matter na ang ibig sabihin ay substance from which something is made.

65. Salingkaran /sa ‘ling ‘karan/ – Compound

Ang mga compound ay binubuo ng mga sari-saring langkaran. Gamit ang katangiang ito, binuo ang “salingkaran” sa pamamagitan ng nga pagdugtong sa mga salitang “sali” at “langkaran”.

66. Tudyok /tud ‘yok/ – Vertex

Nagmula ang “tudyok” mula sa “tudlo”, salitang Hiligaynon para sa “punto”, at “tiyok”, salitang Cebuano para sa “liko”. Ang kalapitan din nito sa “tuldok” ay nakatutulong sa paghahatid ng kahulugan nito sa mga mambabasa.

67. Lupilid /lu ‘pilid/ – Angle

Nagmula ang “lupilid” mula sa “lupi” at “gilid”. Ginamit ang mga salitang ito para buuin ang salin ng angle sapagkat sa sukgisan, ang mga ito’y maaaring mabuo sa pamamagitan ng pagtutupi ng isang linya nang bahagya.

68. Daghilid /dag ‘hilid/ – Polygon

Polygon ang pangkahalatang katawagan sa mga hugis na may mga gilid. Ang pagdugtong sa “daghan”, ang salitang Cebuano para sa “dami”, at “gilid” ang nagbigay-daan sa pagkakabuo ng salin nito, o “daghilid”.

69. Daghulonan /dag ‘hulonan/ – Polyhedron

Parehong proseso rin ang pinairal sa pagsalin sa polyhedron. Dahil gawa sa mga faces ang mga “polyhedron”, ginamit ang “dulonan”, salitang Hiligaynon para sa boundary, at “daghan” ng mga Cebuano upang mabuo ang “daghulonan”.

70. Daghikay /dag ‘hikay/ – Polynomial

“Damikay” talaga ang salin ng polynomial sa Filipino, ngunit mas nararapat na ang “daghikay” [ang paggamit ng “daghan” sa halip na “dami”] sapagkat sumusunod ito sa kagustuhan ng grupo na gamitin ang iba’t ibang mga wikang matatagpuan sa Pilipinas.

-salinpusa 1.234567890

Published in: on Pebrero 28, 2010 at 2:23 umaga  Mag-iwan ng Puna  

Mga Pang-Simbahan ulit

48. Kalabrero /kalabre’ro/ – zucchetto

Ang zucchetto ay isang klase ng pamatong sa ulo sa Simbahang Katolika. Ang lahat ng mga naordinahan ay maaaring magsuot nito, pero madalas siyang makita sa mga obispo pataas.

Nagmula ang pangalang zucchetto sa Wikang Italyano, kung saan ang ibig sabihin nito ay  “small gourd”. Ang pinakamalapit na salin dito ay maliit na kalabasa. Pinagsama ang kalabasa at ang salitang sumbrero upang mabuo ang kalabrero.

49. Adalambanal  /adalamba’nal/ – Hagiology

Dagdag lang ito sa mga nagawa nang salin ng mga “logy”. Ang adalan ay aming salin ng “logy”.

Ang salitang hagios kung saan nakuha ang salitang hagiology (pag-aaral ng mga santo) ay nangangahulugang “banal”. Kaya’t ang salitang banal ang ginamit at ipinagpisat sa “adalan” na ginawang “adalam” upang mas dumulas sa dila. Ang salita na mabubuo ay adalambanal o pag-aaral ng mga santo.

50. Patwanan /Pat’wanan/ – corporal

Ang corporal ay ang telang ginagamit na patungan ng kalis at salwanan (ciborium) tuwing Misa. Ang corporal ay nangangahulugang “katawan” sa Wikang Latin, kaya katawan ang gagamiting salitang panalin. Ipinagpisat ito sa salitang patong, upang maisama ang tungkulin ng corporal, at dinagdagan ng hulaping “an”. Mabubuo ang salitang patwanan.

51. Dathanan /Dathanan/ – Chasuble

Ang salitang chasuble ay nagmula sa Latin na casula na nangangahulugang “maliit na bahay” dahil ito ang damit na ipinapatong sa lahat ng iba pang damit ng pari tuwing misa (kaso nga lang, hindi ‘yon gaanong sinusunod dito, pero ibang usapan na ‘yon).

Dahil dito, ginamit ang salitang “damit” at ang salitang “tahanan” at ipinagsama upang mabuo ang salitang “dathanan”.

52. Tagit /tagit/ – Amice

Ang amice ay ang telang ginagamit ng mga pari upang maging kwelyo niya at upang maitago ang kwelyo ng kanyang sutana o kaya naman ang ordinaryong damit. Dahil dito, ginamit ang salitang “tago” at ang salitang “damit” at ipinagpisat sa isa’t-isa upang mabuo ang salitang “tagit” o amice.

53. Lisay/ lisay/ – Alb

Ang alb ang puting damit na isinusuot ng pari sa ilalim ng dathanan tuwing misa. Nanggaling ito sa salitang Latin na alba, na ang ibig sabihin ay “puti”.

Dahil sa ‘di magagamit ang salitang “puti” bilang salin, ginamit na lang ang salitang “dalisay”, dahil ang damit na ito ay nagpapakita ng kalinisan o kadalisayan ng pari.

Kukunin lang ang huling pantig ng dalisay, na “lisay” upang ‘di mawala ang hiwaga at ‘di ganoon kadaling mahinuha ang ibig sabihin ng salita.

– salinpusa 7

Published in: on Pebrero 7, 2010 at 10:55 hapon  Comments (1)  
Tags: , ,

Kaisipang Patlangsilog

Ninito lang ako nakahanap ng isang punto sa ating kultura na magpapatibay sa ginagawa naming pagsasalin at magpapatunay na kakayanin ng karaniwang Pilipino maintindihan ang mga bagong salita

Ito ay ang tinatawag kong Kaisipang Patlangsilog. Napansin ko kasi noong may nadaanan akong karinderya yung mga putahe nilang pawang nagtatapos sa “-silog” at dinaragdagan lang ng tinapyas na kung ano man ang pangunahing ulam. Naaalala ko na , “O’nga pala ‘no, marami na’ng nakaiintindi ng Tapsilog at kung ano pang _____silog. Kumbaga, alam ng tao ang kakainin niya, basahin niya lang ang menu.”

Basta una, malaman ng bata/tao na galing sa  Tapa Sinangag at Itlog ang tapsilog, mahihinuha niya na rin kung ano ang kakainin niya sa isang longsilog, o tocilog, o kung ano pang patlangsilog.  At medyo mapipilitan siyang hinuhain ito, dahil napakagamitin nito sa lugar na kinakainan niya, at maliligaw at magugutom lang siya kung hindi niya alam ang ibig sabihin ng iba pang patlangsilog.

-salinpusa1

Published in: on Pebrero 3, 2010 at 3:10 umaga  Mag-iwan ng Puna  

Mathbp.

* Lahat ng naka-panaklong ay mula sa talaan ng mga salitang puristang tagalog ni felipeaira

33. talangkain /talang ‘kain/ – crab (adj. form of crab mentality “talangkaan”)

Simple lang naman ang paglikha nito: dinagdagan lang ng mapang-uring panlapi na “-in” ang salitang “talangka.”

34. sauliran /’sauli ‘ran/ – idealist

Medyo nahirapan kami sa pagpili ng panlaping tutumbas sa “-ism” ng Inggles. Naisip kasi namin na mahalagang mayroon din tayo nito, dahil sa sangkatutak na mga salitang nariyan na, at mga salitang patuloy na madaling nalilikha gamit ang “-ism.”

Hinawaan ang “sauliran” ng panlaping “sa-“ na nangangahulugang “pagpapasok ng diwa” (o imbibe sa Inggles) o “gawing isa pang bagay” o “isalin sa ibang anyo,” katulad halimbawa ng sa “sumalangit ang panginoon,” o “pagsasabuhay” o “isauli mo ang gunting ko pagkatapos mo gamitin (na may literal na kahulugang, ibalik sa dati: “i-” + “sa-” + “uli”).

Ito ang napili namin sapagkat naniniwala kaming kapag ____ista ka o nananalig ka sa _____ismo, ay pinapasok mo sa sarili mong diwa ang mga pinaniniwalaan mo sa _____ismong iyon.

Kaya ang unang halimbawa namin para sa serye mga salitang “ista” ay ang “sauliran” na mula sa “sa-” (-ismo) at “uliran” (ideal).

35. adalandila /adalan ‘dila’/ – linguistics

Mula sa nilikhang laping-diwa na “adalan-” para ipakahulugan ang “ang pag-aaral ng,” at “dila” na pumaparis sa pamuhatang Latin ng linguistics na lingua, “dila o wika.”

(36.) sukgisan /suk ‘gisan/ – geometry

Mula sa pinagpisang “sukat” + “hugis” + “an,” na siyang may paris na pamuhatan sa geometry.

(37.) tadlong /tad ‘long/ – perpendicular

38. katadlong /katad ‘long/ – complementary angle/s

Katulad ng Inggles na “trapezoid” wala ring nakatutulong na imahe sa batang mag-aaral ang “complementary” para ipakahulugan ang “kaparis na anggulo na bubuo ng isang tadlong.” Ang pinakanahuhuli lang ng complementary siguro ay ang diwa ng “bubuo.” Mas makatutulong sa aming palagay ang katadlong, dahil ginagamit nito ang panlaping “ka-” na may kahulugang, “kasama.”

39. kalatag /kalatag/ – supplementary angle/s

Katulad din ng sa katadlong ang ginamit na pag-iisip at talinghaga sa kalatag.

(Subalit, maaari rin itong mangahulugan ng coplanar kung mapagpasyahan naming tawaging latag ang isang plane; saka lang kailangang pumili ng bagong salita para sa supplementary)

40. namiin (namiin nang) /na ‘miin/ – multiply

Mula sa salitang Ilonggong, “manami” para sabihing marami.  Naniniwala kaming mas kapani-paniwala paminsan ang salita (at samakatuwid mas gagamitin) kapag hindi pamilyar ang pinanggalingan. Masyado rin kasing mahaba sabihin ang halimbawa, “tatlo paramihing pa-apat.” Sa kabilang banda, mas maginhawa ang anyo ng “namiin nang” o “namiing pa-”

41. hagiin (hagiing pa-) /ha ‘giin/ – divide or divided by

Mula sa binansot na “bahagiin.” Hal. “Dalawampu hagiing pa-apat ay lima.”*

Hinawaan ang paglikha sa saling ito ng talinghagang ginamit para sa denominator (43.).

*ito sa kasalukuyang pagsusulat ay ang pinakamaginhawang natagpuang pagkakasabi sa naturang tumbasan (equation). Nahihirapan pa kaming magpasya kung ano ang pipiliing salita para sabihin ang plus at minus.

(42.) panakda /panak ‘da^/ – numerator

(43.) pamahagi /pama ‘hagi’/ – denominator

44. sansulukin /sansu ‘lukin/ – equiangular

Mula sa “san-” na nangangahulugang “iisa” o “pareho,” at “sulok.” Mayroong hulaping “-in” upang gawin itong isang pang-uri

45. sansukatin /sansu ‘katin/ – equidistant, regular [for polygons]

Mula sa “san-” + “sukat” + “in.” Ginamit ang sukat para tumumbas sa kahulugan ng distance. Napagpasyahang maaari rin itong mangahulugang regular para sa mga polygon, dahil maging ang mga anggulo ay iisa ang sukat.

46. sanggilirin /sanggi ‘lirin/ – equilateral

Mula sa “sang-“+ “gilid” + “in.” Ang lateral ay nangangahulugang “mula sa gilid.” Ginagamit ito para sa mga hugis na iisa ang sukat ng gilid pero hindi kailangang gayon din sa mga anggulo. Hal. rhombus.

47. ulinsakit /’ulin ‘SAkit/ – nostalgia

Ang nostalgia ay mula sa Griyegong nostos (umuwi, manumbalik) at algos (kirot, hapdi, sakit), at dati-rati, talagang tinuturing na sakit ang malalang homesickness. Ang ulinsakit naman ay galing sa Bikol na “uli” (umuwi) at “pasakit.” Mahusay din ang ambal (pun) ng “-sakit”  sa dulo ng ulinsakit, dahil maaaring isang pasakit ito (ang ngangayuning kahulugan) o isang sakit talaga (tulad ng sinaunang pagturing).

-salinpusa1

Published in: on Pebrero 3, 2010 at 2:56 umaga  Mag-iwan ng Puna  

Mga Nasalin Noong Walang Pasok

28. Hunanyo / hunanyo/ prototype

Ang ”prototype” ay mula sa Griyegong salitang ”prototypon” na ang kahulugan ay ”a first or primitive form” na mula naman sa pinagsamang Griyegong salitang ”protos” na ibig sabihin ay ”first” at ”typos” na nangangahulugang ”impression”

Ang salitang ”Hunanyo” ay hinango mula sa kaisipan na ang ”prototype” ay ang unang anyo ng isang bagay; ang anyo ng bagay bago pa ito pagandahin o pagalingin. Ito ay nagawa sa pagsasama ng salitang Waray na ”Huna” na nangangahulugang ”una” at sa salitang Tagalog na ”Anyo” na nangangahulugang ”porma, hugis o gawa”.

29. Adalandunya / adalandunya / Geology

Ang geology ay nagmumula sa mga Griyegong salita na ”ge” na ang kahulugan ay ”earth” at ang ”-logia” na ang ibig sabihin naman ay “study of”. Ang geology ay ang pag-aaral at agham ukol sa mga bagay na bumubuo sa ating planeta.

Katumbas ng ”-logia” ang ”adalan”. Ang ”adalan” ay ang pinagsamang Ilokanong salita para sa ”aral” na ”adal” at ang panlaping ”-an” isang panlapi para sumaklaw. Ang ”dunya” ay isang salitang Tausug na ibig sabihin sa Inggles ay ”the world or planet Earth”.

30. Adalanhayop / adalanhayop / Zoology

Ang zoology ay nagmumula sa mga Griyegong salita na ”zoion” na ang kahulugan ay ”animal” at ang ”-logia” na ang ibig sabihin naman ay “study of”. Ang zoology ay isang sanga ng haynayan na pinagaaralan ang anyo, kilos, pag-iisip at  pagsulong ng mga hayop

Katumbas ng ”-logia” ang ”adalan”. Ang ”adalan” ay ang pinagsamang Ilokanong salita para sa ”aral” na ”adal” at ang panlaping ”-an” isang panlapi para sumaklaw. Ang ”hayop” ay isang salitang Tagalog na katumbas ay ang Ingles na salitang ”animal”.

31. Adalandiwa / adalandiwa / Psychology

Ang psychology ay nagmumula sa mga Griyegong salita na ”psykhe” na ang kahulugan ay ”soul, breath or spirit” at ang ”-logia” na ang ibig sabihin naman ay “study of”. Ang literal na ibig sabihin ng psychology ay “study of the soul or study of the mind.” Nakatuon ang psychology sa pag-aaral ng pag-iisip at kilos ng mga tao at hayop

Katumbas ng ”-logia” ang ”adalan”. Ang ”adalan” ay ang pinagsamang Ilokanong salita para sa ”aral” na ”adal” at ang panlaping ”-an” isang panlapi para sumaklaw. Ang ”diwa” ay isang salitang Tagalog na katumbas ay ang Ingles na salitang ”mind, soul or conciousness”.

32. Talaandunya / Talaandunya / Geography

Ang geology ay nagmumula sa mga Griyegong salita na ”ge” na ang kahulugan ay ”earth” at ang ”-graphein” na ang ibig sabihin naman ay “to write about”. Ang geography, sa literal na kahulugan ay ”to describe or write about Earth.” Nakatuon ang geography ay ang pag-aaral tungkol sa katangian ng lupa ng ating mundo.

Katumbas ng ”-graphein” ang ”talaan”, pinaikising porma ”tala nang”. Ang ”dunya” ay isang salitang Tausug na ibig sabihin sa Inggles ay ”the world or planet Earth”.

-salinpu

Published in: on Pebrero 2, 2010 at 2:25 hapon  Mag-iwan ng Puna