Mga salin na sinalinan ng iba at mga butal na salin

23. Alamita / alA ‘ mitA / – information

Ang salitang “information” ay nagmula sa latin na salitang “informare” na nangangahulugang “to inform, to report, to tell, to notify”. Ang Alamita ay halaw sa mga salitang Alamin at Balita. Alamin, sapagkat ang alamita (information) ay ang mga bagay na gusto mong malaman ukol sa isang bagay at Balita na halaw mula sa pamuhatan nito.

24. Salinggayan / sAling ‘ gAyan / – communication

Ang communication ay halaw mula sa salitang “communico” na nangangahulugang “to share” o “to impart”. Ang ibig sabihin naman nito ay ang pagpapalitan ng iba’t ibang alamita.  Ang salinggayan ay nagmula sa mga pinagpisang salitang salin (to translate) at bigayan (exchange).

25. Salinhala / sAlin ‘ hAla / – prophet

Ang “prophet” ay isang taong nagsisiwalat sa kung ano ang mangyayari sa kinabukasan. Karaniwan, sila ang mga tagapagsalita ng Diyos. Mga tagapaghatid ng Kanyang utos. Ang salinhala ay halaw sa mga salitang Salita (Word) at Bathala (God)

26. Adalanhala / Adal ‘ an ‘ hAla / – Theology

Ang Theology ay mula sa mga salitang “Theo” o Diyos at sa “Logos” na nangangahulugang “pag-aaral ng -“. Samakatuwid, ang Theology ay ang pag-aaral ukol sa Diyos.

Ang Adalanhala ay nagmumula sa salitang Ilokanong Adal na nangangahulugang “aral”, sa gitlaping “an” para pansklaw at sa salitang “Bathala” na nangangahulugang “Diyos”

27.  Talataningngan / tala ‘ tAning ‘ ngan / – calendar

Ang talataningngan ay nagmula sa mga salita tala (to log, record), taning (date o petsa) at ngan (“kung saan matatagpuan”). Samakatuwid ang ibig sabihin ng talataningngan ay ang bagay kung saan mo matatagpuan ang mga tala ng mga taning.

-salinpusa4

Advertisements
Published in: on Enero 19, 2010 at 7:06 hapon  Comments (3)  

Salin: mga salitang ginagamit sa pag-aaral ng panitikan

18. Layuhulugan /Layu ‘hulugan/ – Allegory

Hango sa mga salitang Tagalog na “layon” at “kahulugan.” Ang “Allegory” ay isang uri ng akda kung saan ginagamit ang tauhan o kaganapan upang magsilbing mikrokosmo(isasalin sa susunod) ng mga bagay na hindi sinasaklaw ng nasabing akda.

Dahil dito, masasabi natin na ang bawat “Allegory” ay naglalayong iparating ang tunay na kahulugan nito sa bawat mambabasa.

19. Pag-aabantingin / Pag ‘aaban `tingin/ – Prolepsis

Mula sa mga salitang Filipino na “abante” at “tingin.” Ginagamit ang “prolepsis” sa panitikan upang ipakita sa mambabasa ang mangyayari sa darating na panahon. Dinadala nito ang mambabasa sa kinabukasan mula sa kasalukuyang panahon ng akdang binabasa.

Ito ay ang kabaliktaran ng “analepsis” o pagbabalik-tanaw.

20. pag-aanidto / pag ‘aanid `to/ – Foreshadowing

Pag hinimay ang salitang “Foreshadowing,” lalabas ang mga panlaping “fore-“ at na katumbas ng “before”,  at ang salitang “shadow.” Kaya naman, naisip naming ku’nin ang salitang “kaidto” mula sa Bikol at ang salitang Tagalog na “anino” upang mabuo ang “pag-aanidto.” Kung ika’y nagtataka kung bakit may “pag-“, ito’y dahil ang panlaping “pag-“ ay maaaring tumumbas sa “-ing” sa salitang “foreshadowing.”

21. ibdas / ib `das/ – plot twist

Ang salitang “ibdas” ay tumutukoy sa pagkakaroon ng pagkakaiba sa hinihinalang mangyayari doon sa tunay na mangyayari sa akdang binabasa. Ito’y nagmula sa mga salitang Filipino na “iba” at “landas” sapagkat maaari din nating sabihin na ang “plot twist” ay ang pag-iiba ng hinihinalang landas ng  mga o isang tauhan.

22. Salunglawan /Salu’ng `lawan/ – litotes

Ang “litotes” ay isang uri ng paglalarawan kung saan ginagamit ang mga salitang salungat sa mga katangian ng isang bagay upang ilarawan ito. Halata naman na nagmula ang salitang ito sa “salungat” at “larawan.”

hal.

  • Wala siyang kakulangan sa pag-iisip. ( imbis na sabihing matalino)
  • Hindi siya karaniwang tao. (imbis na sabihing kamangha-mangha)

-salinpusa3.141592653589793

Published in: on Enero 18, 2010 at 12:37 umaga  Mag-iwan ng Puna  

Mga Salin na naisip habang tumatawid sa Katipunan

11.  Dalan Salabutan / dalan salabutan /- street smarts

Unang-una, alam kong ang ”street smarts” ay isang parirala at hindi isang salita ngunit naisalin ko ito nagkaroon ng pagkakataon nakailangan ko ilawarawn ang kakulangan ng mga Atenista sa ”street smarts”.

Sa madaling salita, ang ”street smarts” ay ang kaalaman o kakayahan na napupulot o nakukuha ng isang tao dahil sa kanyang mga pinagdaanan. Ito ay ang pagamit ng ”common sense” (isa pang parirala na kailangan kong isalin) para manatiling ligtas (o mas madalas, hindi magmukhang bobo) sa totoong buhay.

Ang salitang ”dalan” at ”salabutan” ay parehong salitang Cebuano. Ang ”dalan” ay katumbas ng salitang tagalog na daan at ang ”salabutan” ay nangangahulugang katalinuhan.

12.  Adalantao / ‘adalan ‘TA o /- Anthropology

Ang anthropology ay nagmumula sa mga Griyegong salita na ”anthropologos” na ang literal na kahulugan ay ”speaking of man” at ang ”-logia” na ang ibig sabihin naman ay “study of”. Ang anthropology ay ang pag-aaral o pagsisiyasat tungkol sa likas na kasaysayan ng tao.

Katumbas ng ”-logia” ang ”adalan”. Ang ”adalan” ay ang pinagsamang Ilokanong salita para sa ”aral” na ”adal” at ang panlaping ”-an” isang panlapi para sumaklaw. Ang tao naman ay… tao.

13.  Adalankaraan / ‘adalan ‘kara ‘an /- Archeaology

Ang archeaology ay nagmumula sa mga Griyegong salita na ”arkhaios” na ang kahulugan ay ”ancient” at ang ”-logia” na ang ibig sabihin naman ay “study of”. Ang archeaology ay ang pag-aaral o pagsisiyasat tungkol sa mga sinaunang tao at ang kanilang kabuhayan.

Katumbas ng ”-logia” ang ”adalan”. Ang ”adalan” ay ang pinagsamang Ilokanong salita para sa ”aral” na ”adal” at ang panlaping ”-an” isang panlapi para sumaklaw. Ang ”karaan” ay isang salitang Cebuano na katumbas ay ang Ingles na salitang ”ancient”.

14.  Tagatalaysay / tagatalaysay /- historian

Meron nang salin sa salitang ”history” sa ating wika at ito ay ang salitang ”kasaysayan”. Ang isang ”historian” ay nilalang na nag-aaral, nagsisiyasat at nagsusulat tungkol sa kasaysayan at tinuturing isang dalubhasa dito.

Mula sa paglalarawan na iyon sa ”historian” aking naiisip na siya ay isang nagtatala at nagsasalaysay ng kasaysayan. Dito ko naisipan gamitin ang salitang ”tala” na ang ibig sabihin ay ”note” at ang pagsasaayos ng salitang ”Tagasalaysay” na nangangahulugang isang nagkukuwento.

15.  Talahulugan / talahulugan / -dictionary

Ang salin ng salitang ito sa tagalog ay ”diksiyonaryo”. Kadiri. May isa pang salin ito, ”talatinigan”. Ang salin naman nito ay nagawa upang maisalin ang ”diction” ng ”dictionary”. Bukod sa pagiging masyadong literal ang salin na ito, hindi nito nahuhuli ang pangunahing gamit ng librong ito, ang magbigay ng mga kahulugan at wastong paggamit ng mga salita.

Dito ko naisipan na palitan ang ”-tinigan” sa ”talatinigan” at gamitin ang ”-hulugan” mula sa ”kahulugan” upang makuha ang ”talahulugan”.

16.  Higantiki / higan `ti `ki’ /- dinosaur

Ang dinosaur ay nagmula sa dalawang pinagsamang Griyegong salita; ang ”deinos” na nangangahulugang ”terrible” at ang ”sauros” na nangangahulugang ”lizard”

Kung tanungin ang isang tao na ilarawan ang isang ”dinosaur”, hindi nila muna maiisip na sila’y mga ”karumaldumal na butiki” kundi maiisip nila na sila’y ”malalaking butiki”.

Imbis na ang salitang ”malaki” ang idikit sa butiki, mas minabuti kong ipagsama ito sa salitang ”higante” upang mas mahuli ang imahen ng mga hayop na ito sa guni-guni ng mga tao.

17.  Tagnibutan / tagnibutan/ world wide web

Sinusundan nito ang pag-iisip na ginamit upang mabuo ang salitang ”tagta” o ”blog”. Dito, ginamit muli ang salitang ”tagni” upang katumbas ng salitang ”web”. Ginamit ang ”-butan” mula sa Cebuanong salitang ”kalibutan” na nangangahulugang ”mundo o ang buong kalawakan”.

Pinagsama ang dalawang salita at dito nakuha ang salitang ”Tagnibutan”.

-salinpusa2

Published in: on Enero 17, 2010 at 6:40 hapon  Comments (1)  

Salin: Pang-Simbahang Katolika

6. lantawan/ lanta’wan/ – monstrance

Ang monstrance o ostensorium ay ginagamit sa liturhiya ng Simbahan tuwing itatanghal ang Banal na Sakramento sa mga tao. Nanggaling ang salitang Ingles mula sa Latin na monstrare o ostendere, na ibig sabihin ay “ipakita”.

Dahil ang tawag sa pagtatanghal ng Katawan ni Kristo ay Exposition, mas tamang gamitin sa salin ang salitang “lantad” kaysa sa “tanghal” o “pakita”. Dahil rin ang madalas na hitsura ng monstrance ay parang araw (ang sisidlan ng Banal na Sakramento) na may sinag, ginamit na rin ang salitang “araw”.

Ipinagpisat ang mga salitang “araw” at “lantad” at dinagdagan ng hulaping “an” upang mabuo ang salitang “lantawan”.

7. sagrador/ sag ‘rador/ – sacristy

Mahihinuha sa salitang sacristy ang salitang sacred o sacra sa Latin na ibig sabihin ay banal. Upang mapanatili ang tunog nito na nagmula sa Latin (sacrastia o lugar-bihisan), ginamit ang salitang “sagrado”. Ipinagpisat ito sa salitang “tokador” na siyang lalagyanan ng mga damit at mga alahas sa mga bahay. Mabubuo ang salitang “sagrador”, na siyang silid-lalagyanan ng mga gamit at damit pang-Misa.

8. panapit/ panapit/ – cincture

Ang cincture ay panali sa sutana o alba ng mga naglilingkod sa Simbahan, na siyang kumakatawan sa kanilang kalinisan. Ito rin ay nagsisilbing sinturon ng mga tagapaglingkod upang sumikip sa baywang ang kanilang suot na sutana o alba.

Sinturon o panali lamang ang salin sa salitang ito sa Aklat ng Pagmimisa sa Roma (Roman Missal). Dahil nagsisilbi itong sinturon upang maging hapit ang kasuotan ng mga naglilingkod sa Simbahan, ginamit ang salitang “hapit” na linagyan ng “pang” sa umpisa. Upang mas dumulas sa dila ang salita, ito ay ginawang “panapit”.

9. salwanan/ salwa ‘nan/ – ciborium

Ang ciborium ay sisidlang pinaglalagyan ng mga nabasbasang ostiya upang maitago sa tabernakulo o maipamahagi sa mga nagsisimba.

May mga ilang salitang pinaniniwalaang pinanggalingan ng salita sa Inggles, ngunit ang gagamitin ay ang salitang Lating “cibus”  na ibig sabihin ay pagkain, dahil ito ang salita na pinakamalapit sa kasalukuyang gamit sa ciborium.

Ang salitang “salo”, na tumutukoy sa paggamit ng ciborium upang makinabang ang mga nagsisimba, at “katawan”, na tumutukoy sa Banal na Sakramento, ay ipinagpisat, at dinagdagan ng hulaping “an” upang mabuo ang salitang “salwanan”.

10. tasong/ ta ‘song/ – surplice

Ang surplice ay suot ng mga nagsisimbang ministro o pari sa ibabaw ng kanilang sutana at damit. Nanggaling ito sa Latin; “super” na ibig sabihin ay “taas” at “pellis” na ibig sabihin ay “balat ng hayop”, dahil unang ginamit ang surplice bilang pamalit sa alba (puting damit ng mga ministro’t pari) kapag nagsusuot ng makakapal na damit na gawa sa balat.

Ginamit ang salitang “patong” dahil ipinapampatong ang surplice sa sutana at damit ng minstro. Ginamit naman ang salitang “damit” upang itambal sa salitang “patong”. Isinama rin ang salitang “tabas” upang maisama pa ang isang sinaunang tawag sa surplice na “cotta”, dahil ang surplice ay pinutol na alba.

Ipinagpisat ang tatlo upang mabuo ang salitang “tasong”.

-salinpusa7

Published in: on Enero 13, 2010 at 10:35 hapon  Mag-iwan ng Puna  
Tags: , , ,

Mungkahi ng mga Katoto (peers)

Hindi naman lahat kukunin dito, kasi may mga pauso lang, o nang-aasar, pero nilagay ko na rin lahat, at baka may makaisip pa sa inyo, mga ka-s.p.

mungkahi

-salinpusa1

Published in: on Enero 11, 2010 at 10:23 hapon  Mag-iwan ng Puna  
Tags:

Mga Unang Hakbang

Sumusunod ay ilang mga salitang nasalin na namin bago pa man ilunsad ang kilusang ito, madalas mula sa tawag ng pangangailangan.

1. Tagta /tag ‘taˀ/ – blog (mula sa tagtang kebongkalbu.multiply.com)

PAMUHATAN:
Ang “blog” ay ibinansot na “weblog” na mula sa pinagpisang “[world wide] web” (internet) at “log” (to keep record).

Kung kaya sa parehong diwa, kapag ipinagpisa natin ang

“TAGNΔ (to weave, kaungay ng pagbuo ng isang sapot na siyang Filipino ng “web”, dahil hinango rin ang “web” sa pagkakabuhul-buhol ng mga linya.)

at

“TAL” (to record, to log), mayroon tayong

“TAGT” para sabihing “blog”!

2. Pangungumitha /pa ‘ngungumitha^/ – plagiarism

Ang Latin na plagiarius ay maaaring isang magnanakaw o isang kidnaper. Ang pamamamalahiyo (mula sa Esp. plajio) ay laging kaugnay ng pagnanakaw ng isang katha. Kung kaya’t mula sa pagsasala ng mga salita para sa “nakaw,” napili namin ang salitang “umit.” Ipinagpisa ito sa “katha” upang mabuo ang salitang ugat na “umitha,” para sa pandiwang anyo ng plahiyo.

3. Daglat /dag ‘lat/ – redox (reduction-oxidation) reaction

Mula sa pinagpisang “dagulan” ng Kapampangan para sa oxidation, at “latian” para sa reduction. Napili ang “daglat” imbes na “latdag” dahil lang mas natural (s) ito sa dila.

Kung sisilipin ang UP Diksyonaryong Filipino, may nauna nang lahok para sa daglat, na siyang Filipino ng “abbreviation.”  Subalit hindi naman magkakaroon ng malalang suliranin dito dahil malayo namang konteksto ang kapnayan (chemistry) at balarila. Marami rin namang nagkakapatungang pagpapakahulugan sa Inggles at marami pang ibang wika, kaya mapapatawad ito.

4. Sanggapay /’sangga ‘pay/ – trapezoid

Hindi malinaw sa hitsura ng trapezoid ang pinagbuhatan nito, at mas lalo na ang kahulugan nito, na siyang “isang quadrilateral (s) na may iisang pares ng magkaagapay (parallel) na guhit.”

Kaya ito ay ang pinagpisang “isang” at “agapay.” Mas makatutulong ang ganitong anyo sa mga mag-aaral ng sipnayan (matematika) at sukgisan (geometry) kaysa sa malabong “trapezoid”  dahil nakapaloob na sa mga pantig ang kahulugan. Isa pa, ang “trapezoid” ay may pamuhatang (etymologymalayo sa karanasang Filipino, kung kaya’t mahirap ding pakiugnayan kung sakali.

5. Talaluklukan /’talaluk ‘lukan/ – constellation

Lumitaw ang likhang-saling ito sa pangangailangang magsalin ng isang tula, at kung ginamit ang inampong konstelasyon ay makasisira sa katalnan ng pamimilipino sa salin.

Medyo hindi nakatulong na ang “constellation” ay galing sa “con-” (pagsama-sama o pagbubuklod) at “stella” (bituin) at “-tion,” dahil wala pang panlapi ang Filipino na tutumbas sa kahulugan at gamit ng “con-.”

Kaya dito, sinilip naman ng mananalin ang talinghagang ginagamit ng wikang kaiba sa pinagkukuhanan ng Inggles at Espanyol. Tumingin ang mananalin sa talasalitaan ng Hapon, at ayon sa mga karakter na ginamit, ang “constellation” sa kanila ay “bituin” + “upuan.” Sinala ang mga kapatid ng bituin at upuan na maaaring ipagpisa nang madulas sa dila at may pinapanatiling matulaing talinghaga (para nga sa maganda at taal na saling Filipino), at napili ang “tala” pati “luklukan.”

ito ang sinaling mga linya (sa tula ng G. Christian Ylagan):

if only my voice would carry
across oceans of desire,
and no more will I count
the constellations on your cheeks
in the spaces between breaths,

na naging:

Kung magagawa lang ng aking tinig
na pumailanlang sa karagatan ng pagsinta,
at ni minsan pa’y aking kailangang bilangin
ang mga talaluklukan sa iyong pisngi,

-salinpusa1

Published in: on Enero 9, 2010 at 8:13 hapon  Comments (3)  

Naunahan na pala kami!

Naunahan, pero hindi bale, dahil kahit papaano nama’y nakapagpapalubag-loob na hindi kami ang unang nagkaroon ng pakialam sa usapin ng wika ng pagtuturo. Subalit ang mas malala naman, ay naisalin ang mga salitang ito noong mga ka-’60, at sa kasamaang palad, ay hindi pa rin naipagkakalat sa loob ng humigit-kumulang 40 taon at umabot na sa panahon at salinlahi namin ang suliranin.

Isang talaan ng mga puristang salitang Tagalog

Sa ibabaw ay isang talaan ng mga salitang nilikha noong mga ka-’60 para sa sari-saring larangan. Bagaman hindi sila gamitin at hindi pa katanggap-tanggap sa mga dalubwika ngayon (hindi matatagpuan ang mga ito sa UP Diksyonaryong Filipino), magandang halimbawa ang mga ito, dahil kapansin-pansin sa maraming lahok ang mga pinagsangahang salita (hal. awanggan – infinity: awan, Ilokano ng “wala” + hanggan). O kung hindi man, maski papaano’y may talinghagang pinag-isipang mabuti ang pinanggalingan ng salita (hal. tingirin – infinitesimal; tingi, kapiranggot + -rin). Huli, gusto ko lang sabihin para sa ikahihinahon ng mga hindi Tagalog, na hindi kinalimutan ang mga wika ninyo sa talaang ito (halimbawa na nga, ay ang awanggan para sa mga Ilokano), at susubukin din namin sa abot ng makakaya na magsama ng mga lahok at/o kabutil ng mga salita (basic lexical units) mula sa inyong mga wika.

-salinpusa1

Published in: on Enero 9, 2010 at 6:49 hapon  Mag-iwan ng Puna  

Dibayded

Basahin niyo nga’t tingnan niyo kung hindi mag-iinit ang inyong tainga rito.

Pi

Ang Piπ ay isang konstanteng matematikal at isang transendental (irasyonal) na tunay na bilang o numero, katumbas ng 3.141592653. Ito ang ratio (rasyon o kapatas) sirkumperensya ng isang bilog patungo sa kaniyang diyametro.[1][2] Kilala rin ito bilang konstante ni Archimedes at ginagamit sa matematika at heometriya.

Pormula

Sa plane geometry na Euclideano, ang π ay ang ratio ng sirkumperensya ng isang bilog patungo sa kaniyang diyametro:

π = C i-dibayd sa D (C-Circumference) (D-Diameter)

Halaga

π = 3.14159 26535 89793 23846 26433 83279 50288 41971 69399 37510 …

  • Mas maraming didyit ito kaysa sa ipinakita sa itaas; umaabot sa bilyong didyit.
  • Isang numerong irasyonal ang constant na π; dahil hindi siya puwedeng maging ratio ng dalawang integer (intedyer o integro)
  • O, kumusta?
    Hindi ka ba nandiri sa “i-dibayd?” E sa “intedyer,” “didyit?” Hindi ba tila pakiramdam mo, nakikinig ka sa Filipino, pero binudburan lang ng mga matatalino-kunong termino? Kumbaga Filipino ang pinakabalarila, pero kapag sumapit sa isang salita o dalumat (mas kilala bilang “konsepto”) na hindi pa nasasalin nang maayos, ay biglang tatalon sa isang salitang binaybay-Tagalog at hiniram lang mulang Ingles o Kastila?
    ‘Yan ang suliranin. ‘Yan ang gagamutin.
    -salinpusa1
    Published in: on Enero 6, 2010 at 2:00 hapon  Mag-iwan ng Puna  

    Kami ang S(t)alinPusa.

    Naunahan lang kasi kami sa username na “salinpusa” at “salingpusa.” E “Stalin” na ‘ata pinakamalapit. 😛

    ***

    ‘Di man kami mga dalubhasa sa wika, tila mga kung-sinong saling-pusa baga, pangangahasan naming magsalin at lumikha ng mga taal na Filipinong salita, mga salitang malapit sa puso, masarap sa dila, sa yaring panahong mas madali na lang atang mag-ampon mulang Inggles at Kastila.

    Narito na ang pusang lalamon sa malalansang isda.

    ***

    (‘Wag kayong mag-alala; sigurado kasama sa listahan namin ang “username.“)

    Published in: on Enero 6, 2010 at 1:44 hapon  Comments (1)